Noong bata pa ako, at hindi pa gaanong kaabala sa mga gawain
tulad ngayon, madalas, nagbababad lamang ako sa telebisyon. Naghihintay lamang
ako ng mapapanood dahil sa napakaraming patalastas na tila ba mas mahaba pa sa
tunay na palabas. Marami sa mga patalastas na iyon ay nakaiinis lalo na at
paulit-ulit kahit pa alam kong ganoon naman talaga dapat iyon, subalit may
kaunti naman akong nagustuhan o sa palagay ko, hindi ko kinainisan. Nakatutuwa
kasing panoorin at ulit-ulitin na hanggang ngayon nga, pinagtatawanan pa rin namin
ng mga kaibigan ko kapag naaawit namin ang kanta roon kahit pa noong 2006 pa
ito unang lumabas. Ang tinutukoy ko ay ang patalastas ng Pigrolac.
Ngayong isinusulat ko itong blog na ito at kusang umaawit
ang utak ko ng awiting iyon kasabay ng mga eksenang pinagbibidahan ng mga
baboy, natatawa ako. Tila seryoso kasi ang kanta kung pakikinggan mo nang
hiwalay sa video subalit kapag nasaksihan mo na ito ng buo, di mo maiiwasang
tumawa sa mga baboy na naghahabulan, nagtatampisaw at may pagtingin pa sa
langit. Napakamalikhain ng pagkakagawa sa patalastas na ito dahil tila inihahambing
nito ang baboy sa tao. Ngayong pinagmuni-munihan ko ito, hindi lamang pala ito
isang basta-bastang nakatatawang patalastas.
sa damuhan maghabulan.
Magtampisaw sa ulan…
dahil minsan lang sila bata.”
Kung iisipin at pagtutuunan ng pansin ang mga salita sa
kanta, tila ba nais nitong ipahayag na
minsan lang maging bata ang mga baboy ayon sa konteksto ng patalastas na
tungkol sa pagkain ng baboy. Kung gayon, dapat na sulitin na nila ang oras na
bata pa sila kasama ang kalikasan, na makikita sa mga gawaing inihayag gaya ng
paghahabulan sa damuhan at pagtatampisaw sa ulan. Alam naman natin na ang mga
ganitong gawain ay mas angkop sa mga batang tao kaysa sa mga baboy kaya naman
maaari rin natin itong isakonteksto sa tao.
Alam nating lahat na sa pagpapalit ng siglo, kasabay nito
ang malaking progreso sa aspeto ng teknolohiya. Ayon pa nga sa artikulo ng Organization
for Economic Co-operation and Development (OECD), na 21st Century Technologies: A Future of Promise, inasahan na nila bago pa man dumating ang
taong 2000 na magiging malawak at mabilis ang pagbabagong teknolohikal , at
masasabi kong hindi sila nagkamali. Sa mga unang taon ng ika-21 na siglo naglabasan
ang mga makabagong pamamaraan at kagamitan at nasaksihan natin iyon at
nararamdaman pa rin hanggang ngayon. Dahil dito, masasabi ko na maging ang
simpleng kanta sa patalastas ng Pigrolac ay maaring sumalamin dito dahil
maaaring naimpluwensyahan ng pagbabagong ito ang paraan ng pag-iisip ng tao sa
mga panahong iyon.

Tamang tama ang kantang iyon sa henerasyon namin. Sa mga taong 2000-2008 kami naging mga bata at kasabay noon ay ang lipunang dumanas ng malaking pagunlad sa teknolohiya. At nasasalamin ito ng kanta sa patalastas ng Pigrolac. Tama ito na habang bata pa, maglaro na sa kalikasan dahil nasasaksihan naman natin ngayon ang pagbabago sa mga tao na naiiba na ang depinisyon ng paglalaro para sa kabataan. Kung noon, marami kang makikitang mga bata na naglalaro sa labas, ngayon ay nakatutok na lamang sila sa kung anong gadgets mayroon sila. Hindi na sila nakikitagpo sa kalikasan at hindi na nila dinaranas ang “minsan” nilang pagkabata. Subalit may mas masalimuot pa rito. Ang kanta sa Pigrolac ay alam nating sumasalamin sa buhay ng baboy, na minsan lang sila bata at dapat na nilang sulitin iyon dahil alam natin ang masalimuot nilang tadhana - magiging pagkain lamang sila ng tao. Sa kaparehong paraan, dapat nang sulitin ng tao ang mga panahon na makakapagligaya pa kasama ang magandang kalikasan dahil darating, o dumarating na ang panahong nilalamon tayo ng teknolohiya na makikita sa lubos na pagkahumaling natin dito. Makikita sa artikulong Screen Addicts na ang mga bata ngayon ay halos nauubos na ang oras sa internet at makikita pa sa ibang mga artikulo ang lubos na pagkahumaling ng tao sa teknolohiya. Ika nga nila, nagiging zombies na tayo. Buti pa ang mga baboy, hindi. Minsan pala, nanaisin mong magkatotoo na lamang ang kasabihang “You are what you eat” kung magiging mas malala lang naman pala tayo sa hayop.

References:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento